MANILA, Philippines - Tila sinusubukan ang kakayahan ng Quezon City Police ng grupong riding in tandem gang, matapos na namang umatake ito sa isang sangay ng gobyerno at pagbabarilin hanggang sa mapatay ang isang guwardiya at malubhang ikinasugat ng dalawa pang kasamahan nito kamakalawa sa lungsod.
Si Rizal Dolfo, 27, binata ng Rosal St., Zone 6, Brgy. Old Capitol Site ay nasawi sa pananalakay ng nasabing grupo sa lungsod. Sugatan din ang dalawang kasamahan nitong sina Bejino Santos, 34, at Reynaldo Tumangue.
Ayon sa mga nakasaksi, pawang mga nakasuot ng helmet at naka-bonnet ang mga suspect na mabilis na nagsitakas matapos ang insidente.
Naganap ang insidente sa may tanggapan ng Bureau of Animals Industry na matatagpuan sa Visayas Avenue, Brgy. Old Balara sa lungsod.
Nasorpresa umano ang mga biktima sa pagsalakay ng mga suspect na basta na lamang pinagbabaril ng grupo ng huli. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. (Ricky Tulipat)