MANILA, Philippines - Iniurong na ng pamunuan ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang kasong inihain laban sa limang estudyante na nagpuslit ng 13 silya noong nakaraang linggo, upang sunugin sa kanilang tuition fee protest rally.
Kahapon, dakong alas-12:30 ng hapon ay tuluyan nang napalaya ang mga naarestong sina Ferrin Louise Umagat Soriano, 19, 2nd year college; Chaser Soriano, 19, 4th year college, Presidente ng Central Stu dent Council; Judy Anne Fabito, 19, 4th year college, Patrick Michael “Piem” Canela, 18, second year college, at si Abriel Mansilungan, secretary general ng Kabataan Partylist.
Itinanggi naman ni PUP President Dante Guevarra na may pressure sa kanila o maging ang umano’y panawagan ng isang presidential candidate, bagkus ay napagkasunduan sa ginanap na konsultasyon ng mga opisyal ng PUP na patawarin ang mga estudyante dahil first offense lamang naman at binalaan na lamang na bibigyan ng disciplinary actions kung uulit pa.
Matatandaan na noong Huwebes ay isinailalim sa inquest proceedings ang mga estudyante sa kasong robbery na may rekomendasyong P100-libong piyansa matapos arestuhin dahil sa puwersahang pagpuslit ng mga upuan mula sa PUP campus para sa kanilang protesta laban sa tuition fee increase na ipatutupad sa susunod na pasukan. (Ludy Bermudo)