MANILA, Philippines - Sa halip na ang regular na flag-raising ceremony ang marinig, noise barrage ang isinagawa ng mahigit sa 50 doktor ng Philippine General Hospital (PGH) na sinabayan pa ng bantang mass leave bilang pagkondena sa pagpapatalsik sa kanilang hospital director.
Kabilang sa nagpartisipa sa noise barrage protest ay ang may 73 miyembro ng medical personnel at mga estudyante sa gate ng PGH dakong alas-7:30 ng umaga bilang pagpabor na maibalik sa pwesto si Dr. Jose Gonzales.
Ang mga nagpo-protesta na humaharang sa mga pasyenteng papasok sa ospital at ang ilan ay nakapalibot sa Oblation statue ay nagpahayag na pagbalewala umano sa democratic processes sa biglaang pagpapalit ng direktor ng pagamutan na kanilang ikinadismaya kaya dalawang linggo umanong hindi sila magsisipasok.
Gayunman, nilinaw ng tagapagsalita ng grupo na si Dr. Iggy Agbayani na hindi nila iaabandona ang tungkulin sa mga pasyenteng mangangailangan ng emergency attention.
Anila, pinalitan si Dr. Gonzales noong Pebrero 25, 2010 ni Dr. Enrique Domingo sa kautusang inilabas ng UP Board of Regents na kinontra naman ng resolusyong ipinalabas ng College Council ng UP College of Medicine na kumikilala sa legalidad ng pagiging direktor ng pinatalsik na si Gonzales hanggang Disyembre 2012.