MANILA, Philippines - Plano ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echi verri na mabigyan ng trabaho ang lahat ng miyembro ng pamilya sa buong lungsod upang lalo pang mapaunlad ang pamumuhay ng bawat residente.
Bukod sa mga ginaganap na job fair sa lungsod na nagiging daan upang mabigyan ng sapat na hanapbuhay ang mga residente ay nais din ni Echiverri na makuha ang listahan ng bawat miyembro ng pamilya sa kanyang nasasakupan nang sa gayon ay malaman ng lokal na pamahalaan kung sino sa mga ito ang higit na nangangailangan ng trabaho.
Ayon kay Echiverri, sa ganitong paraan ay hindi na mahihirapan ang lokal na pamahalaan na hanapan ng mapagkakakitaan ang mga residente dahil madali na nilang matutukoy kung ano ang dapat na ibigay na hanapbuhay sa mga nangangailangan ng mapagkakakitaan.
Sa pamamagitan din nito, malalaman agad ng lokal na pamahalaan kung ano ang tinapos ng bawat miyembro ng pamilya na siyang magiging daan din para mabilis na mahanapan ng trabaho ang mga ito.
Dahil dito, inatasan na ni Echiverri ang city planning department na agad na makipag-ugnayan sa National Statistics Office (NSO) at iba pang ahensiya nang sa gayon ay madaling makuha ang listahan ng mga miyembro ng pamilya na naninirahan sa Caloocan. (Lordeth Bonilla)