MANILA, Philippines - Dahil sa pagkapikon ay muling pinagsabihan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga lokal na kandidato na humingi ng permiso sa kanila bago magsagawa ng motorcade sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila. Ito’y makaraang makaranas ang Kalakhang Maynila ng napakatinding pagsisikip ng trapiko sa opisyal na pag-uumpisa ng kampanya ng lokal na lebel nitong Marso 26 dahil sa mga motorcade ng mga kandidato.
Dinagsa rin ng reklamo mula sa mga motorista ang MMDA dahil sa pagkabigo nito na maisaayos ang daloy ng trapiko. Sinabi ni MMDA General Manager Robert Nacianceno na dapat humingi muna ng permiso sa kanila ang mga kandidato at mga partido na magsasagawa ng campaign rally at motorcade upang makapaghanda naman sila ng traffic at re-routing plan para hindi lumikha ng kaguluhan sa mga motorista.
Kung hihingi ng permiso sa kanila, makapagtatalaga sila ng dagdag na mga traffic enforcer para magmando sa daloy ng trapiko sa mga kalsadang maaapektuhan. Kahit umano mga secondary road ang gagamitin ng mga kandidato, malaking epekto pa rin ito sa daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada. (Danilo Garcia)