8-taon sa 'dorobong' pulis
MANILA, Philippines - Walong taon pagkakakulong ang ipinataw ng Manila Regional Trial Court (MRTC) sa isang pulis-Maynila na puwersahang kumuha sa mamahaling cellphone ng isang negosyante noong 2002 sa Sta.Mesa, Maynila.
Batay sa desisyon ni Manila RTC Judge Marivic Balisi-Umali ng Branch 19, napatunayang guilty sa kasong robbery si SPO2 Julius Payoyo makaraang kunin nito ang Nokia 8890 cellphone ni Arvin Japlit, isang money-lending trader at part time barangay tanod sa Sta. Mesa in Maynila. Kinuha din ni Payoyo ang anim na pirasong speed reloader ng .38 caliber revolver na pag-aari ni Japlit.
Gayunman,ibinasura ng hukom ang alegasyon ni Japlit na kinuha din ni Payoyo ang kanyang P10,000 at US$ 200 cash, dahil naniniwala ang korte na walang dahilan ang una para magdala ng malaking halaga dahil nangyari ang insidente dakong alas-3 ng madaling-araw.
Lumabas sa court records na nangyari ang insidente noong Agosto 22,2002 habang nagpapatrulya si Japlit sa panulukan ng Fortuna St. at Magsaysay Boulevard. Dumating umano si Payoyo sa lugar kasama ang anim na hindi kilalang kalalakihan na sakay ng owner-type jeep at kinompronta si Japlit nang makitang may nakasukbit na baril. Nabatid na lisensiyado ang baril ni Japlit.
Matapos na makuha ang cellphone at anim na pirasong speed loader ni Japlit, pinalo pa sa ulo ni Payoyo ang una at saka tumakas. Itinanggi naman ni Payoyo na kinuha niya ang cellphone ni Japlit at sinabi nito na nagkasugat ito makaraang madulas dahil sa pakikipag-agawan sa baril.
Hindi naman tinanggap ng korte ang alibi ni Payoyo kung saan mas binigyan ng bigat ang testimonya ng mga testigo na may ginawang pang-aabuso ang pulis. (Doris Franche)
- Latest
- Trending