MANILA, Philippines - Sa kabila ng ipinatutupad na gun ban, minsan pang nalusutan ang mga awtoridad makaraang isang binata na naman ang binaril at napatay ng hindi pa nakikilalang salarin, habang isang nene ang nasugatan matapos na tamaan ng ligaw na bala kamakalawa sa Quezon City.
Si Rolando Rueda, ng Maya St., Brgy. Batasan Hills, Quezon City ay nagawa pang maisugod ng kaanak sa General Malvar Hospital, ngunit idineklara din itong patay dahil sa tama ng bala sa ulo at kaliwang balikat.
Habang ang batang si Jomarie Otayde, 14, ng Brgy. Batasan na nagtamo ng tama ng ligaw na bala sa kanang kamay na tumagos sa kan yang tagilirang tiyan ay agad namang nalapatan ng lunas sa East Avenue Medical center.
Ayon sa pulisya, isinalarawan lamang ang suspect sa taas na 5’10, nakasuot ng itim na jacket, at bull cap.
Naganap ang insidente sa may Legislative St., corner Senatorial St., Brgy. Batasan pasado alas- 9 ng gabi.
Ayon kay Emman Falsario, pinsan ng biktima, nakikipag-kuwentuhan siya sa kaibigan malapit sa nasabing lugar nang makarinig siya ng malakas na mga putok ng baril mula dito.
Dala ng kuryusidad, agad na pinuntahan ni Falsario ang lugar para mabatid ang dahilan ng mga putok, hanggang sa makita niya ang suspect na naglalakad papalayo. Ilang hakbang pa ay natagpuan ni Falsario ang pinsan na duguang nakahandusay sa semento, dahilan upang agad na itakbo nila ito sa nasabing ospital kung saan ito nasawi.
Sa kabilang banda naman ay natagpuan din ang bata na sugatan matapos tamaan ng ligaw na bala habang naglalaro sa nasabing lugar.
Blangko pa ang pulisya sa motibo ng isinagawang pamamaril sa biktima. (Ricky Tulipat)