Van ni Carlo J. Caparas, sumiklab sa SLEX
MANILA, Philippines - Masuwerteng nakaligtas sa kapahamakan ang dalawang anak at ang driver ng manunulat, producer at director sa pelikula na si Carlo J. Caparas makaraang magliyab ang sinasakyang van ng mga ito kahapon ng umaga sa toll exit ng Filinvest sa South Luzon Expressway (SLEX) sa Muntinlupa City.
Sunog na sunog ang kalahati ng Dodge Ram na sports utility vehicle (ULP-111) na minamaneho ni Joel Capillan, 57, ng Brgy Pulihan, Cabuyao, Laguna matapos bigla na lamang sumiklab ang unahang bahagi ng naturang sasakyan habang palabas na sa nasabing toll exit dakong alas-6:50 ng umaga.
Nadamay din sa naturang sunog ang dalawang toll booth sa north bound lane ng Filinvest exit bago tuluyang naapula ang apoy makaraang magresponde ang tauhan ng Muntinlupa City at SLEX Fire Station.
Ayon kay SPO1 Jerry Pormales, imbestigador ng SLEX Traffic Enforcement Unit na nakalabas kaagad ng naturang sasakyan ang driver at ang dalawang anak ng mag-asawang Donna Villa at Carlo Caparas bago pa man lumaki ang apoy na halos tumupok sa kabuuan ng sasakyan.
Nabigo namang makuha ng pulisya ang pangalan ng dalawang anak ni Caparas dahil umalis kaagad ang mga ito.
Nabatid pa rin sa pulisya, nagsimula ang apoy sa engine compartment ng naturang sasakyan na posibleng sanhi ng kawad ng kuryente o tumagas na gas o langis.
- Latest
- Trending