MANILA, Philippines - Labing-apat katao ang nadampot ng mga operatiba ng MPD- District Intelligence Division mula sa tinaguriang “Recto University” bunsod ng patuloy pa ring paggawa at pagbebenta ng mga pekeng diploma, birth certificate at sedula, kamakalawa ng hapon sa kahabaan ng C.M Recto Avenue, Sta. Cruz, Maynila.
Kinilala ang mga inaresto na sina July Ligaya, 29; Ruel Mendoza, 32; Ronalde de la Cruz, 30; Rex Lagrimas, 45; Eduard Panganiban, 34; Rosita Plamenco, 42; Arnel Foronda, 37; Maricel Beltran, 30; Maricris Babunan, 32; Melinda Ramos, 43; Jane Montejo, 24; Julie Santiago. 38; Lito Manalo, 28; Ryan Aldiano, 28.
Nasamsam mula sa mga suspek ang 28 piraso ng board na gamit sa paggawa ng pekeng dokumento, 11 piraso ng pekeng sedula, monitor, CPU, AVR, scanner at 1 printer.
Ang pagsalakay ay isinagawa bunsod ng kautusan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim matapos may makatanggap muli ng reklamo hinggil sa pamamayagpag ng mga gumagawa ng pekeng dokumento sa kahabaan ng CM Recto.
Kasong paglabag sa Sec. 4 Art. 169 ng Revised Penal Code o falsification of private and commercial document laban sa mga nadakip. (Ludy Bermudo)