MANILA, Philippines - Hindi muna maililipat sa detention cell sa NBI bagkus ay mananatili pa sa Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City si road rage suspect Jason Ivler .
Ito ay dahil sa ginawang pagkuwestyon ng depensa sa kredibilidad ng mga doktor ng prosekusyon na sumuri kay Ivler.
Bunsod nito, ni- reset ni QC Regional Trial Court, Branch 76 Judge Alexander Balut ang pagdinig sa Marso 30 at nagsabing isu-subpoena ang doktor ng Quirino Hospital para dumalo sa susunod na hearing.
Binigyang diin ni Judge Balut na kanyang tatanungin sa next hearing ang doktor ng pagamutan kung mag-iisyu ba ito ng discharge order laban kay Ivler.
Una nang giniit ng prosekusyon na dapat nang ilipat si Ivler sa NBI dahil kailangan na lamang naman na imonitor ang sugat nito bilang out-patient dahil stable na ito sa kanyang karamdaman.
Wala naman si Ivler sa pagdinig. (Angie dela Cruz)