MANILA, Philippines - Isang binata ang patay habang sugatan naman ang kaibigan nito makaraang atakehin ng saksak ng isang vendor habang nag-iinuman ang mga una kamakalawa sa Quezon City. Sugatan naman ang suspect makaraang mabaril ng isang brgy. tanod habang papatakas.
Nakilala ang nasawi na si John Mario Palilan, 25 ng Brgy. Commonwealth, Quezon City, habang sugatan naman ang kaibigan nitong si Felixberto Cabusas, 44. Habang ang nabaril na suspect ay nakilalang si Nicolas Artita, 40, vegetable vendor ng Brgy. West Fairview sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan.
Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang bumaril dito na si Rolando Paler, miyembro ng Brgy. Police Security Office .
Sa imbestigasyon ng puilisya, nangyari ang insidente sa may Lumantad compound, Dhalia St., Brgy. West Fairview ganap na alas-6 ng gabi.
Sinasabing nag-iinuman ang mga biktimang sina Palilan at Cabusas nang biglang dumating ang suspect na si Artita na may bitbit ng patalim at inatake ng saksak ang mga una. Matapos ang pananaksak ay mabilis na tumakas ang suspect, ngunit nasalubong naman ito ni Paler na reresponde sana sa lugar na may dalang baril ngunit ng makitang may patalim ang una ay binaril na agad niya ito, saka tumakas.
Hidwaan sa kanilang grupo ang tinitingnang motibo ng pulisya sa pananaksak ni Cabusas sa dalawang magkaibigan habang patuloy ang imbestigasyong ginagawa sa nasabing insidente. (Ricky Tulipat)