MANILA, Philippines - Dahil sa problema sa pag-ibig, isang binatang negosyante ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Kinilala ang nasawi na si Andrei John Austria, 23, buy and sell agent ng sasakyan at residente ng Harvard St., Greenview Subd., Brgy. Sauyo sa lungsod.
Ayon sa ulat ng pulisya, nadiskubre ang bangkay ng biktima ng kanyang inang si Aling Elma pasado alas-12 ng tanghali.
Bago ito, dahil sa hindi lumalabas ang anak sa kuwarto ay nagpasyang puntahan ito ng inang si Aling Elma. Ngunit, ilang ulit na umanong kumakatok sa pintuan si Aling Elma ay hindi sumasagot ang anak at naka-lock din ang pintuan nito, dahilan upang humingi siya ng tulong sa ibang kaanak at awtoridad para mabuksan ang pinto. Sa puntong ito, nang mabuksan ang pintuan ay tumambad sa kanila ang biktima na nakabitin sa kisame gamit ang sinturon at nakasuot lamang ng boxer’s shorts.
Ayon sa pulisya, problema umano sa pag-ibig ang ugat ng pagpapakamatay ng biktima, bagay na patuloy pa ring iniimbestigahan sa ngayon. (Ricky Tulipat)