Pulis na namamasada ng kolorum tutukuyin
MANILA, Philippines - Makikipag-ugnayan ang National Police Commission (Napolcom) sa Land Transportation Office (LTO) upang hingin ang tulong ng huli hinggil sa pag-monitor sa ilang kagawad ng pulisya na suma-sideline sa pamamagitan ng pamamasada ng mga kolorum na sasakyan sa ilang pangunahing lansangan ng Kalakhang Maynila.
Sa panayam kay Atty. Owen de Luna, Assistant Service Chief ng Inspection Monitoring and Investigation Service (IMIS) ng Napolcom, sinabi nito na makikipag-coordinate sila sa LTO upang malaman kung sinu-sino ang mga kagawad ng pulisya na nangongolorum.
Nabatid na ilang reklamo ang nakarating sa Napolcom na ilang kapulisan ang namamasada o pumi-pick-up ng pasahero gamit ang kanilang sasakyan na hindi naman rehistrado bilang public utility vehicle (PUV) at pumipila pa ang mga ito sa ilang illegal terminal.
Tulad aniya sa kahabaan ng Gil Puyat Ave. na nasa hurisdiksiyon ng Makati at Pasay City, ginagawa itong illegal terminal ng ilang mga kulorum na sasakyan at kinukunsinti ito ng ilang kagawad ng pulisya dahil nakikinabang umano sila dito.
Subalit kinakatwiran aniya ng mga ito na suma-sideline lamang sila at hindi naman aniya illegal ang kanilang ginagawa kaysa naman aniya na mangotong sila at off-duty naman sila kung namamasada.
Ngunit ayon sa NAPOLCOM, isang paglabag pa rin aniya sa batas ang ginagawa ng mga ito, dahil, ipinagbabawal sa sinomang nagtatrabaho sa gobyerno ang mag-“moon lightning” at ang parusa dito ay pagkasibak sa serbisyo. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending