May kapansanan sa QC bibigyan ng diskwento
MANILA, Philippines - Sinimulan na ng pamahalaang lungsod ng Quezon ang pamamahagi ng identification card sa mga may kapansanan sa siyudad na itinakda sa ilalim ng Republic Act No. 9442, kilala bilang Magna Carta for Persons with Disabilities, upang mabigyan ng discount at incentive ang mga may kapansanan.
Una sa talaan ng mga nabiyayaan ng nasabing batas ang mga special children na dumalo sa taunang Camp Pag-ibig na gina nap sa Balara Filtration Plant. Pinangangasiwaan ni Teresa Mariano, hepe ng Social Services Development Department (SSDD) ng pamahalaang lungsod ng Quezon, ang pamimigay ng ID card.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 3,508 ID card ang naipamahagi ng pamahalaang lungsod ayon kay Mariano. Tatanggap ng prebilehiyong katumbas ng benepisyong tinatanggap ng mga senior citizen ang mga person with disability (PWD) na mabibigyan ng nasabing ID card.
Itinatakda ng RA 9442 ang pagbibigay ng 20 porsyentong discount sa mga tinatawag na persons with disability sa lahat ng establisimento sa lungsod katulad ng restaurant, recreational center at sinehan, kabilang na ang 20 porsyentong bawas sa pamasahe sa lahat ng uri ng transportasyon.
Bago ang pamamahagi ng mga ID card, nagbigay ang SSDD ng mga serye ng aktibidad upang hikayatin ang mga may-ari ng negosyo sa lungsod na sumunod sa itinakda ng RA 9442, partikular sa usapin ng pagbibigay ng diskuwento sa mga PWD.
Ang Quezon City, sa ilalim ng pamunuan ni Mayor Feliciano Belmonte Jr. ay naglunsad ng mga programa para matulungan ang mga PWD sa lungsod tulad ng educational assistance, capability training at livelihood para sa pamilya ng PWD. Tinatayang may 27,000 ang bilang ng mga may kapansanan sa Quezon City.
- Latest
- Trending