MANILA, Philippines - Isang ginang at isang lolong cigarette vendor ang parehong nasawi matapos na tamaan ng mga ligaw na bala sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan at sa Parañaque City.
Hindi na umabot nang buhay sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng tama ng bala sa dibdib ang ginang na si Pilar de Asis, 40, nakatira sa KBS Compound, Caloocan City.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas- 9:30 ng gabi sa kahabaan ng Lourdes St., sa nabanggit na siyudad.
Napag-alaman, na dalawang hindi pa nakikilalang lalaki ang nag-aaway sa nasabing lugar kung saan isa dito ang nagbunot ng baril at pinaputukan ang katalo.
Minalas na ang ginang ang tinamaan ng bala na noon ay naglalakad sa lugar pauwi sa kanilang bahay. Agad din namang nagsitakas ang suspect maging ang nakatalo nito.
Samantala sa Parañaque City, patay din ang isang lolong cigarette vendor matapos tamaan ng ligaw na bala buhat sa baril ng isang tsuper na ang target sanang paputukan ay ang nakaaway na truck driver dahil lamang sa simpleng away trapiko, kamakalawa ng gabi sa service road ng South Luzon Expressway sa Parañaque City.
Nakilala ang nasawi na si Samson Glumalid, 58, ng Block 41, Lot 4, Phase 4, Brgy. Upper Bicutan, Taguig City, nagtamo ito ng tama ng bala sa ulo buhat sa isang sumpak.
Samantala, nakakulong naman sa himpilan ng pulisya ang suspek na si Fred Magramo, 29, ng Manganan Soldier Hills, Brgy. Putatan, Muntinlupa City.
Naganap ang insidente dakong alas-6 ng gabi sa kahabaan ng East Service Road, SLEX, Brgy. San Martin de Porres, ng nabanggit na siyudad.
Nabatid na isang hindi kilalang truck driver ang naka-argumento ng suspek hinggil sa hindi pagkakaunawaan sa trapiko.
Kinuha ng suspek ang nakatago nitong sumpak upang paputukan ang nakaaway nitong truck driver, subalit minalas na tinamaan sa ulo ang biktima habang ito ay nagtitinda naman ng sigarilyo.
Nagtangka pang tumakas ang suspect subalit hinabol din ito ng kagawad ng Skyway na naging dahilan ng kanyang pag-aresto.