MANILA, Philippines - Patay ang isang mister matapos barilin ng riding in tandem sa harap ng kanyang asawa na nagdiriwang ng kaarawan, dahil lamang sa simpleng away trapiko sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Isang tama ng bala sa batok ang sanhi upang hindi na umabot pang buhay sa Quezon City General Hospital ang biktimang si Rosauro Dorado, 40, residente ng Spring Country, Brgy. Silangan sa lungsod.
Nahihirapan namang matukoy ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspect dahil kapwa nakasuot ng helmet ang mga ito at hindi rin nakuha ang plaka ng sinasakyan nilang motorsiklo.
Ayon kay Chief Insp. Benjamin Elenzano, hepe ng Homicide section ng Quezon City Police, ang simpleng pagtatalo sa kalsada ang ugat ng pamamaril.
Nabatid na muntik nang magkabanggaan ang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima at motorsiklo na sinasakyan naman ng mga suspect habang kapwa tinatahak ang Himlayan Road, sa Brgy. Pasong Tamo.
Lumilitaw na nangyari ang insidente ganap na alas-7:15 ng umaga, habang sakay ng isang XRM Honda ang biktima at angkas ang asawang si Charito papuntang Himlayan Cemetery para dumalaw sa namayapa niyang biyenan.
Pagsapit sa nasabing lugar, ay muntik nang makabanggaan nito ang isang motorsiklo na sinasakyan ng mga suspect.
Sinabi ni Elenzano, sa naturang insidente ay nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at mga suspect kung saan nagpalitan pa ng masamang salita hanggang sa maawat ang mga ito ni Charito.
Agad na umalis ang mga biktima sakay ng kanilang motorsiklo, ngunit hindi pa sila nakakalayo ay sinundan na sila ng mga suspect saka binaril ang una sa batok bago nagsitakas.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.