MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang pinatay muna sa saksak bago pinagnakawan ang isang construction worker sa loob ng ginagawang bahay sa Valenzuela City kahapon ng umaga. Nakilala ang biktima na si Edgardo Marciano, 35, ng Marilao, Bulacan at stay-in sa Assumption Village, Brgy. Lingunan ng lungsod na ito.
Ayon sa pahayag sa pulisya ni Leo Tulalian, nabatid na alas-7:40 ng umaga, binisita niya ang kanilang pinagagawang bahay sa nasabing lugar subalit napansin nito na bukas ang pintuan. Hinanap ni Tulalian ang biktima at nang umakyat ang una sa roof top ay nakita ang duguang katawan ni Marciano. Lumalabas na may saksak sa leeg ang biktima at nawawala ang wallet nito at cellphone na kinuha ng hindi pa nakikilalang suspek. Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga pulis hinggil sa nasabing insidente. (Lordeth Bonilla)