MANILA, Philippines - Nagharap ng mga kasong administratibo at hiniling din ng isang ginang sa Professional Regulation Commission (PRC) na bawian ng lisensiya at suspendihin ang dalawang doktor ng Philippine General Hos pital (PGH) dahil sa kapabayaang pagkaiwan ng gasa sa loob ng kanyang katawan nang siya ay magsilang ng sanggol noong nakalipas na taon.
Kasong grave/serious misconduct at unprofessional, negligent actuations ang inihaing reklamo ng biktimang si Janet Dizon, 26, computer design operator, ng Signal Village Taguig City sa PRC Legal Division laban kina Dr. Maricel Reyes at Dr. Gody Magnolia Albito, kapwa naka-assign sa PGH- Obstetrics and Gynecology department.
Sa reklamo ni Dizon, Hunyo 20, 2009 ay nagsilang siya ng sanggol at makalipas ang dalawang linggo ay lumabas siya sa ospital. Hulyo 5, 2009 nang makaramdam siya ng sakit sa ari at paglalagnat.
Dahil sa lumalabas na likidong kulay puti at patuloy na pananakit ng kaselanan, nagpakonsulta siya sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) noong Hulyo 22, 2009 at nilinis ang kanyang matris sa nabubulok at mabahong bagay sa loob nito.
Nabatid na itinanggi na ni Dr. Reyes ang alegasyon sa pagsasabing “I have performed repeated bi-manual examinations with due care and diligence on the patient. Another resident did the same as well. I have complied with the duties required of an obstetrician consistent with the standard operating procedure of the Department of Obstetrics and Gynecology of the Philippine General Hospital.”
Gayundin ang pagtanggi ni Dr. Albito sa affidavit na nagsabing “That we routinely do discharge internal examination on patients who delivered vaginally… That, during the time of examination, I observed that episiotomy site was intact, the uterus was well contracted, no active vaginal bleeding, no OS (surgical gauze) was found in the vagina.”
Gayunman, handa umano ang misis na ilaban ang nangyari sa kanya dahil sa kapabayaan ng mga manggagamot. (Ludy Bermudo)