Pulis, 5 timbog sa drug-bust
MANILA, Philippines - Muling nakapuntos ang hanay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban sa mga kilabot na sindikato ng droga matapos na malambat ang anim na miyembro nito kabilang ang isang alagad ng batas sa magkahiwalay na operasyon sa Manila at Bulacan.
Iprinisinta ni Senior Undersecretary Dionisio R. Santiago, PDEA Director General ang mga suspect na sina PO2 Christopher Lee, Cesar Curabo, Conrado Esteban, Raya Raskal, Benjamin Pasquin at Francisco Chua.
Ayon kay Santiago, si PO2 Lee, nakatalaga sa active fingerprints division ng Camp Crame, ay nadakip sa isang buy-bust operation sa Maynila matapos na magbenta ng P80,000 halaga ng shabu sa isang poseur-buyer ng PDEA.
Samantala, nadakip naman ang mga kasamahan nito na sina Curabo, Esteban, Raskal, Pasquin at Chua sa San Jose Del Monte, Bulacan, sa isa ring buy-bust operation ng tropa ng PDEA special enforcement Service, PDEA regional Office 3 at PNP-RO3 Regional Intelligence Division.
Ayon kay Santiago, sa pagsalakay sa nasabing lungga ng mga suspect ay nakipagpalitan pa ang mga ito ng putok sa tropa ng PDEA kung saan nasugatan si Curabo at dinala sa Far Eastern University Hospital para magamot.
Dagdag ng heneral, sa ngayon patuloy ang operasyon ng kanilang hanay laban sa iba pang kasamahan ng grupo dahil gumagamit na ang mga ito ng networking sa kanilang iligal na operasyon.
- Latest
- Trending