2 patay sa pamamaril ng rider

MANILA, Philippines - Dalawa katao kabilang ang isang dalagita, ang nasawi habang dalawa pa ang sugatan, makaraang ratratin ng isang rider ang sinasakyan ni­lang tricycle sa isang kal­sada sa Brgy. Central sa lungsod Que­zon, kama­kalawa.

Dead-on-arrival sa East Avenue Medical Center ang mga biktimang sina Mary Ann del Rosario,16, house helper, at Joel Acaya, 36, dahil sa tina­mong mga tama ng bala sa kani-kanilang mga katawan.

Ginagamot naman sa nasabi ring ospital ang su­gatang biktima na si Manolito Morillo, 35, driver ng tricycle; habang sa Quezon City General Hos­pital naman si Johnell Cueto, 35, bystander na tina­maan ng ligaw na bala sa kaliwang paa.

Samantala, agad na­mang tumakas ang sus­pect na lulan ng motor­siklong Honda XRM (IT-1797) na siyang target ngayon ng operasyon ng pulisya.

Sa ulat, nangyari ang insidente sa harap ng Farmacia East Drug store na matatagpuan sa may kanto ng Malakas St. at Ma­tapang St., Brgy. Cen­tral ganap na alas 9:30 ng gabi. Bago nito, binabag­tas ng tricycle na mina­maneho ni Morillo habang backrider naman si Acaya, at pasahero naman ang dalagita ang nasabing lugar para ihatid nila ang huli sa botika para bumili ng gamot.

Ayon kay PO3 Joselito Gagaza, may-hawak ng kaso, pagsapit sa nasa­bing kalye, bigla na lamang sumulpot ang isang motor­siklo sakay ang suspect at pinaputukan ang mga biktima, partikular ang   driver at backrider nito.

Sinasabing, bago nito, matagal nang  naghihintay sa lugar ang suspect at nang makita ang target na tricycle ay saka sinundan at pinagbabaril.

Sa puntong ito, agad na isinugod ng ilang nag­mamalasakit na residente sa naturang ospital ang mga biktima, kung saan idineklarang patay sina Acaya at del Rosario.

Ayon pa sa ulat, ta­nging ang puntirya ng suspect ay ang backrider na si Acaya at posibleng nadamay lamang ang ilan sa mga biktima.(Ricky Tulipat)

Show comments