MANILA, Philippines - Nabalot ng tensyon ang main office ng Bureau of Internal Revenue (BIR) matapos na bulabugin ang mga empleyado nito ng bantang pagpapasabog sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Dahil dito, pansamantalang nahinto ang gawain ng hindi kukulangin sa 1,000 empleyado ng nasabing tanggapan sa Agham Road matapos na magsipaglabasan ang mga ito sa matinding takot.
Nag-ugat ang kaguluhan nang isang tawag mula sa telepono ang natanggap ng empleyadong si Imelda Bondoy pasado alas-10 ng umaga sa personnel division mula sa isang lalakeng caller na nagsasabing may bomba na sasabog sa tanggapan pasado alas- 10 ng umaga.
Agad namang rumisponde ang SWAT ng Quezon City Police sa pamumuno ni Insp. Arnulfo Franco, at sinimulang suyurin ang kabuuan ng gusali upang matukoy ang bomba. Tumagal ng halos 30 minuto ang paggalugad na ginawa ng operatiba ngunit nabatid na negatibo ito sa bomba. (Ricky Tulipat)