Video surveillance, monitoring system ilalarga sa Navotas
MANILA, Philippines - Mayroon lamang dalawang buwan na ibinibigay ang pamahalaang lungsod ng Navotas sa lahat ng mga establisimento rito katulad ng mga banko, pawnshops, money exchange,gasoline stations at iba pa para sumunod sa local ordinance na paglalagay ng mga video surveillance at monitoring system sa loob o sa paligid ng kinatatayuan nilang establisimento.
Ito ayon kay Navotas Mayor Toby Tiangco ay alinsunod sa pagsunod sa City Ordinance No. 2009-08. “Malaking bagay ang paggamit ng video monitoring devices lalo na sa kapulisan at mga imbestigador na kilalanin ang mga maaaring manloob o mangholdap sa mga establisimento at sa iba pang masasamang elemento sangkot sa mga ilegal na aktibidades na mababantayan nito,” pahayag pa ni Tiangco.
Malaking tulong ito umano lalo na sa business sector at madali para sa mga awtoridad na ma-monitor ang mga pangyayari sa paligid.
Nagbabala pa ang Mayor na ang hindi tutugon sa ipinatutupad na ordinansa ay pagmumultahin ng P5,000 o anim na buwang pagkakulong o maaaring pareho ito base sa desisyon ng korte.
Sakali umanong hindi tumugon ang mga establisimento na bayaran ang itinakdang multa sa loob ng labing-limang araw matapos silang maisyuhan ng receipt ng violation notice o citation ticket, nangangahulugan ito nang pagkasuspinde sa kanilang business permit at license to operate hanggang sa matugunan nila ang mga itinakdang requirements.
Dahil dito, umapela si Tiangco sa lahat ng business firms na simulan na ang paglalagay ng monitoring devices bago ang itinakdang deadline.
Ang halaga ng surveillance at monitoring system ay minimal kumpara sa proteksyon na maibibigay nito hindi lamang sa mismong establisimento kundi maging sa kanilang mga kostumer.
- Latest
- Trending