MANILA, Philippines - Talamak na naman ang non-appearance sa emission testing ng mga sasakyan na ipina-rerehistro sa Land Transportation Office. Ayon sa mga Private Emission Testing Center (PETC), noong panahon ni dating LTO Chief Anneli Lontoc na ngayo’y DOTC Secretary ay nalinis at naalis na ang Non-Appearance (NA) sa emission testing.
Subalit nang magpalabas ang kasalukuyang LTO administration ng isang kautusan na nagpapahintulot sa IT Provider nitong Stradcom Corporation na mag-direct connectivity sa mga private emission test center, muli na namang dumami ang mauusok na sasakyan dahil sa NA operation ng mga tiwaling PETC.
Bukod pa dito, walang limit ang bilang ng maaaring magawan ng Non-Appearance sa isang araw ng mga PETC na hindi tulad ng mga matitinong PETC na sumusunod sa 80-vehicle capping na ipinapatupad sa kanila upang masiguro na ang bawat emission test ay may kalidad at garantisado, ayon sa mga PETC.
Kaya’t nanawagan ang mga PETC sa kasalukuyang LTO Administrasyon na ipahinto na ang direct connectivity na isinasagawa ng Stradcom at magkaroon na ng political will na ipasara ang mga tiwaling PETC. (Butch Quejada)