Tinuksong bulag pumatay
MANILA, Philippines - Nainsulto umano ang isang basurero ng tuksuhing ‘bulag’ ng kapwa basurero habang nag-iinuman, sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi
Idineklarang dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang kinilala lamang sa alyas na “Boy”, nasa 35-40 anyos, mahaba at kulot ang buhok at may taas na 5 hanggang 5’2 talampakan. Nagtamo ito ng maraming saksak sa katawan.
Hinahanap pa ang suspek na kinilala lamang sa alyas na “Bulag” na mabilis na nakapuga matapos ang pananaksak
Sa ulat ni Det. Joseph Kabigting ng Manila Police District-Homicide section, ang suspek umano ay nainsulto nang asarin at tuksuhin pang bulag sa kabila ng kapansanan nito, dakong alas-10:30 ng gabi kamakalawa sa panulukan ng Rizal Avenue at Fugozo St., Sta. Cruz, Maynila.
Nakita na lamang na gumagapang ang biktimang duguan kaya dinala sa ospital ng isang Roldan Alang pero idineklara ding dead on arrival ni Dr. Rial De Ramos. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending