Binata nagbigti dahil sa pag-ibig

MANILA, Philippines - Nagbigti ang isang 20-anyos na binata matapos na hindi na makipagkita ang kanyang kasintahan sa kanya dahil na rin sa pinag­bawalan na ito ng mga magulang kahapon ng umaga sa Port Area, Manila.

Hinihinalang may ilang oras nang patay nang matagpuan si Oscar Pileno, walang trabaho ng Block 1, Gasangan, Baseco compound, Port Area, Maynila  

Sa ulat ni Det. Jonathan Ruiz ng Manila Police District -Homicide Section, dakong alas-6:00 ng umaga nang madiskubre ang pagsu-suicide ni Pileno ng kanyang ama sa loob ng kanilang bahay.

Sinabi ng ama nito na si Oscar Pileno Sr., 52, huling nakitang buhay ang kanyang anak dakong alas-11:00 ng gabi nang nagpaalam sa kanya upang dalawin ang kanyang girlfriend.

Gayunman, paggising niya ng umaga ay bumulaga sa kanya ang anak na nakabitin sa kisame gamit ang isang electric cord.

Ayon kay Ruiz, dinamdam umano ng biktima ang pagtutol ng magulang ng kanyang girlfriend na makipagkita sa kanya.

“Balak raw makipagtanan ng biktima sa kanyang kasintahan, pero nang madiskubre ito ng mga magulang ng babae ay pinigilan ito at pinagbawalan nang makipagkita pa sa na­sawi,” ayon  kay Ruiz.

Inaalam pa kung may iba pang motibo o foul play sa kaso. (Ludy Bermudo)

Show comments