Anti-smoking sa Metro Manila, paiigtingin
MANILA, Philippines - Paiigtingin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng batas kontra sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar partikular na sa loob ng mga pampasaherong sasakyan sa buong Metro Manila.
Ito’y makaraang aprubahan na ng New York based Bloomberg Philantrophies ang P9.5 milyong grant para sa MMDA para sa “anti-tobacco use program” nito na layon na gawing 100% “smoke-free” ang Metro Manila sa 2012.
Pinirmahan nitong nakaraang Biyernes nina MMDA Chairman Oscar Inocentes at International Union Against Tuberculosis and Lung Disease ang dalawang taong kasunduan para sa proyektong, “Enforcement of a 100% Smoke Free Environment Policy in Metro Manila”.
Matatandaan na ipinasa ng Kongreso ang Republic Act 9211 o “The Tobacco Regulation Act” noon pang 2003 ngunit mistulang napabayaan ng pamahalaan ang pagpapatupad nito patunay ang walang patumanggang paninigarilyo sa lahat ng sulok ng Metro Manila kahit na sa mga pampublikong sasakyan maging ng mga tsuper.
Uumpisahang ipatupad ang programa sa Hulyo 1, 2010 at magtatapos sa Hunyo 20, 2012. Upang maging halimbawa, una itong ipatutupad sa buong opisina ng MMDA at iba pang satellite office kung saan sinumang empleyadong mahuhuling lumalabag dito ay sasampahan ng kasong administratibo.
Makikipag-ugnayan rin ng MMDA sa lahat ng 16 lungsod at 1 munisipalidad sa Metro Manila at sasanayin rin ang mga traffic enforcers at mga pulis sa pagpapatupad ng naturang batas.
Bubuo rin ng “marketing strategy” at maglalagay ng advertisement sa mga pahayagan at signages sa pagpapatupad ng RA 9211. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending