MANILA, Philippines - Hindi na mararanasang umakyat sa entablado ng isang 12-anyos na graduating elementary pupil makaraang masawi nang madamay at mabaril sa naganap na “gang war” kamakalawa ng hapon sa Parañaque City.
Nakilala ang nasawi na si Eugenio Balbuena Jr., ng Bagong Sikat, Baclaran, ng naturang lungsod. Nakatakda na sana itong magtapos ngayong linggo sa pinapasukang Parañaque Elementary School.
Pinaghahanap naman ngayon ang suspek na nakilala sa alyas na Rabang, miyembro ng True Brown Style na matagal nang naghahasik ng kaguluhan sa iba’t ibang panig ng Metro Manila ngunit hindi masugpo ng pulisya.
Sa ulat ng pulisya, nabatid na dakong alas-3:20 ng hapon nang maganap ang gang war sa pagitan ng mga grupong True Brown Style at Pinoy Ruthless Mobsta sa naturang lugar.
Isa si Balbuena, kasama ang kaibigan na nag-usyuso sa nagaganap na kaguluhan.
Nabatid na papauwi na sana ang dalawa nang dumating ang suspek sakay ng pedicab at apat na beses na pinaputukan ng kalibre .22 baril ang biktima sa pag-aakalang miyembro ito ng kalabang gang.
Agad na isinugod sa San Juan de Dios Hospital ang biktima ngunit hindi na rin naisalba ang buhay nito habang nagawa namang makatakas ng salarin.