Mayor timbog sa gun ban
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga awtoridad ang isang alkalde ng Malinao, Albay matapos itong mahulihan ng baril na hinihinalang peke ang lisensya sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon ng umaga.
Kinilala ni PNP Spokesman Chief Supt. Leonardo Espina ang nasakoteng alkalde na si Malinao, Albay Mayor Avelino Clavecella Ceriola.
Ayon kay Espina , si Mayor Ceriola ay nahuli ng mga awtoridad habang pasakay sa Philippine Airliens (PAL) flight number PR 277 patungong Legaspi City, Albay.
Dakong alas-6:30 ng umaga nang maharang ng mga tauhan ng PNP-Aviation Security Group si Ceriola sa isinagawang pag-iinspeksyon sa mga pasahero at mga bagahe ng mga ito bilang bahagi ng seguridad sa NAIA terminal.
Nasamsam mula kay Ceriola ang isang cal. 45 pistol na bagaman may lisensya ng PNP-Firearms and Explosives Division (FED) ay peke ang gun exemption na umano’y nilagdaan ni Comelec Commissioner Lucenito Tagle kaugnay ng gaganaping pambansang halalan sa darating na buwan ng Mayo.
Samantala, ayon kay Espina maliban sa nasabing alkalde ay may sampu pa katao ang kanilang nasakote sa Comelec gun ban sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Espina, sampung sibilyan ang nasakote at isa namang empleyado ng gobyerno kung saan nagresulta ito sa pagkakasamsam sa pitong matataas na kalibre ng armas at walong mababang kalibre ng mga baril.
Sa kabuuan, simula ng ipatupad ang gun ban noong Enero 10 ay umaabot na sa 1,390 ang nasakoteng violators na kinabibilangan ng 1,222 sibilyan, 168 empleyado ng pamahalaan, habang nasa 1,202 naman ang mga nasamsam na mga armas.
Ang implementasyon ng gun ban na tatagal hanggang Hunyo 9 ng taong ito ay naglalayong mapigilan ang mga karahasan sa gaganaping May polls ngayong taon sa pamamagitan ng pagkumpiska sa mga loose firearms o mga baril na walang lisensya.
- Latest
- Trending