MANILA, Philippines - May hinala ang isang opisyal ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) na may kinalaman ang administrative charges na isinampa nito laban kay Manila Judge Silvino Pampilo Jr. kaya naging mainit ito sa PASG at idineklarang unconstitutional ang Executive Order 624 na bumuo sa PASG.
Ayon kay PASG director Jeffey Patawaran, posibleng nag-init ang dugo ni Judge Pampilo sa PASG dahil hindi siya nakaupo bilang mahistrado sa Court of Appeals dahil sa administrative charges na isinampa dito.
Kandidato sa pagiging mahistrado ng CA si Pampilo at nakatakda sanang humarap sa Judicial and Bar Council noong Feb. 3 subalit inireklamo ito ng gross ignorance of the law sa High Tribunal ng mag-isyu ng TRO na pumapabor sa suspected diamond smuggler na si Siu Ting Alpha Kwok noong November 2009.
Maghahain ng panibagong reklamo laban kay Pampilo ang PASG dahil sa ‘unreasonable decision’ nito na kumukwestyon sa kapangyarihan ni Pangulong Arroyo sa pag-iisyu ng executive order. (Rudy Andal)