Mahusay na katangian ni Pacquiao dapat tularan

MANILA, Philippines - Sipag, tiyaga, determinasyon at matibay na paniniwala sa Poong Maykapal.

Ito ayon kay Parañaque Congressman Eduardo Zialcita ang mga magagandang katangian ni Manny Pacquiao na higit pang dapat paunlarin at tularan ng mga kapwa Pilipino. Sinabi ni Zialcita na kung wala ang mga katangian na iyon mula kay Pacquiao ay hindi nito maaabot ang kanyang kinatatayuan ngayon bilang “pound-for-pound king” ng boxing.

“Nakikiisa ako sa sambayanang Pilipino sa pagbubunyi sa pagkapanalo ni Pacquiao laban kay Joshua ‘The Grandmaster’ Clottey at muli na naman niyang itinaas ang pangalan ng mga Pilipino bilang katangi-tanging lahi na matatag sa harap ng mga pagsubok,” ani Zialcita.

Sinabi ng mambabatas na hindi lamang likas na lakas sa pagsuntok ang rason sa pagkapanalo ni Pacquiao ngunit ang pagnanais nitong maging mahusay pa kaya’t hinarap ang lahat ng pagsasanay at dumaan sa lahat ng uri ng pagsubok na nagpakinang sa kanya bilang mahusay na Pilipino at boksingero.

Binigyang diin ng Zialcita na hindi dapat magtapos sa selebrasyon ang pinakahuling panalo ng tinaguriang “pambansang kamao” at dapat itong magsilbing inspirasyon na tutularan ng bawat Pilipino lalo na sa darating na halalan. (Danilo Garcia)

Show comments