Zero crime rate naitala sa laban ni Pacman
MANILA, Philippines - Tulad ng inaasahan, idineklara ng kapulisan na “zero crime rate” ang buong Metro Manila sa naging laban nina Manny “Pacman” Pacquiao at ng tinalo nitong si Joshua Clottey kahapon.
Ayon kay Supt. Rommel Miranda, public information office chief ng National Capital Region Police Office, walang naitalang krimen ang kanilang tanggapan pagpasok pa lamang ng unang laban sa tinaguriang “The Event” na ginanap sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas simula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon kahapon.
Dahil dito, malinaw na ang mga tinuturing na kriminal ng lipunan ay nagpapahinga rin upang masaksihan ang laban ng ating pambansang kamao na si Pacman.
Halos lahat ng residente, anumang estado nito sa buong Metro Manila ay nakatutok sa laban ng dalawang bigating boksingero dahil sa pag-asang may knock out na mangyayari ngunit nabigo ang mga ito.
Sabi ni Miranda, hindi lamang ang mga kriminal ang pahinga ang isipan kung hindi maging ang kanilang hanay na walang iniisip kung hindi ang maligayahan sa nasabing araw.
Kaya naman umaasa ang kapulisan na mababago na ang takbo ng panahon na kahit hindi lumalaban ang ating pambansang kamao ay mananatiling tahimik sa bansa, bagay na matagal na rin nilang inaasam na mangyari. (Ricky Tulipat at Danilo Garcia)
- Latest
- Trending