MANILA, Philippines - Muntik nang maputol ang leeg ng isang 28-anyos na hinihinalang pick-up girl matapos na gilitan ng kanyang kustomer sa isang apartelle sa Cubao, Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang nasawi na si Rosalinda Tumalinog, tubong Cagayan de Oro City at residente sa Doña Nicasia St., Doña Carmen Subdivision, Barangay Commonwealth sa lungsod.
Ayon kay SPO2 Gerry Abad, desk officer ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang biktima ay natagpuan na lamang naliligo sa sarili nitong dugo ng roomboy na si Alvin Buncag bandang alas-4:20 ng madaling araw sa loob ng Confiado Apartelle na nasa Edsa, Brgy. Immaculate Concepcion, Cubao.
Bago nito, alas-3:55 ng madaling-araw nang mag-check-in ang biktima kasama ang alyas Jayson sa nasabing apartelle kung saan gamit ang room 8 sa ikatlong palapag nito.
Ilang minuto ang lumipas, ayon kay Buncag, nakita na lang niya ang lalake na nagmamadaling lumabas ng kanilang kuwarto at nang makita siya nito ay mabilis na bumaba ng hagdan saka tumalon sa fire exit na nasa ikalawang palapag at tumakas.
Dala ng pagdududa, nagpasya si Buncag na akyatin ang kuwartong inupahan ng nakitang lalake kung saan pagbukas nito ay natagpuan ang biktima na wala nang buhay na natatalukbungan ng kumot at naliligo sa sarili nitong dugo.
Ayon kay Abad, sa record umano ng nasabing Apartelle ay napag-alaman na ang biktima ay dalawang beses sa isang gabi kung pumasok at mag-check-in dito kaya naniniwala ang pulisya na posible umanong pick-up girl ang biktima.
Isa sa tinitingnang anggulo ng pulisya ay posible umanong nagbabalak ang biktima na “iskubahin” ang natutulog na lalake na nakilalang si alyas “Jayson” ngunit nagising ito.
Madalas na mapaulat ang talamak na pananalisi ng mga pick-up girl sa kanilang mga kustomer na lalake sa loob ng mga apartelle sa Cubao kung saan hindi pa man nagtatalik ay kinukuha na ng mga ito ang pitaka at mga gamit ng kustomer saka mabilis na aalis.
Ito ang tinitingnang dahilan ng awtoridad na posibleng ugat upang mangyari ang krimen. Gayunman, patuloy ang imbestigasyon na kanilang ginagawa kaugnay dito.