700 mobile cars na may GPS tracking device kakalat sa Metro Manila
MANILA, Philippines - Umaabot sa 700 mobile cars na may GPS (Global Positioning System ) tracking device ang ipakakalat na ngayong linggo sa iba’t ibang lugar ng Metro Manila upang mapabilis ang pagresponde sa krimen, emergency at iba pa.
Ito ang inihayag kahapon ni NCRPO Chief Director Roberto Rosales.
Ayon kay Rosales ang pagpapakalat ng mga mobile cars na may GPS ay naglalayong mapalakas pa ang anti-criminality at anti-terrorism campaign partikular na sa mga crime prone areas na nasasakupan ng National Capital Region (NCR).
Una nang nagpakalat ng mga closed circuit television (CCTV) camera sa iba’t ibang dako ng Metro Manila ang NCRPO.
Idinagdag pa ng opisyal na malaki ang maitutulong ng mga GPS upang mapababa ang crime rate sa NCR gayundin upang mamonitor kung ginagamit ng mga pulis ng tama sa kanilang mga trabaho at hindi sa kanilang mga personal na lakad ang mga mobile patrol cars.
Nabatid sa opisyal na ang GPS na ikakabit sa mga mobile cars ay nagkakahalaga ng mula P15,000 hanggang P26,000 depende sa klase ng software na ikakabit sa sasakyan ng mga pulis.
Sinabi ng opisyal na positibo ang pagpapakalat ng CCTV camera at tiwala ang NCRPO na sa pamamagitan ng mga ito ay higit pang mapapabilis ang pagpuksa sa mga elementong kriminal at iba pang mga nais maghasik ng kaguluhan. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending