Luho ni Ivler sa ospital binira

MANILA, Philippines - Masarap umano ang buhay ng murder suspect na si Jason Ivler sa pagamutan dahil sa paggamit ng cellphone at laptop at nakaka­pagbukas ng social networking site tulad ng Face­book at naglalaro ng war games sa kan­yang PSP (Play Station Portable).    

Ito ang binunyag ni State Prosecutor Ma. Cristina Rillaraza sa Quezon City Regional Trial Court Branch 76 para suportahan ang kanilang kahilingan na dapat nang mailipat sa kulungan sa National Bureau of Investigation si Ivler mula sa Quirino Memorial Medical Hospital.    

Una nang giniit ng prosecution panel na ilipat na si Ivler sa NBI makaraang sabihin ng doctor nitong Dr. Enrico Ragasa noong Marso 3 na ang sugat ng una ay kailangan lamang ma­alagaang mabuti at maaari itong maisa­gawa bilang out patient na lamang.     

Sinabi naman ng abogado ni Ivler na si Atty. Mitzell Arthur Magdaong na ang sinasabi ng prosekusyon ay “totally irrelevant” sa kaso.     

Nasugatan si Ivler nang makipagbarilan siya sa mga ahente ng NBI na aaresto sa kanya kaugnay ng kaso niyang pagpatay sa anak ng isang opisyal ng Malakanyang. (Angie dela Cruz)

Show comments