Luho ni Ivler sa ospital binira
MANILA, Philippines - Masarap umano ang buhay ng murder suspect na si Jason Ivler sa pagamutan dahil sa paggamit ng cellphone at laptop at nakakapagbukas ng social networking site tulad ng Facebook at naglalaro ng war games sa kanyang PSP (Play Station Portable).
Ito ang binunyag ni State Prosecutor Ma. Cristina Rillaraza sa Quezon City Regional Trial Court Branch 76 para suportahan ang kanilang kahilingan na dapat nang mailipat sa kulungan sa National Bureau of Investigation si Ivler mula sa Quirino Memorial Medical Hospital.
Una nang giniit ng prosecution panel na ilipat na si Ivler sa NBI makaraang sabihin ng doctor nitong Dr. Enrico Ragasa noong Marso 3 na ang sugat ng una ay kailangan lamang maalagaang mabuti at maaari itong maisagawa bilang out patient na lamang.
Sinabi naman ng abogado ni Ivler na si Atty. Mitzell Arthur Magdaong na ang sinasabi ng prosekusyon ay “totally irrelevant” sa kaso.
Nasugatan si Ivler nang makipagbarilan siya sa mga ahente ng NBI na aaresto sa kanya kaugnay ng kaso niyang pagpatay sa anak ng isang opisyal ng Malakanyang. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending