9 sugatan sa karambolang 4 na bus
MANILA, Philippines - Sugatan ang siyam na pasahero makaraang mistulang mag-domino ang apat na pampasaherong bus nang magbanggaan ang mga ito sa EDSA, Makati City kahapon ng umaga.
Isinugod sa Ospital ng Makati ang mga pasahero na inaalam pa ang mga pagkakakilanlan.
Sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority-Metro Base, naganap ang aksidente dakong alas-7:30 ng umaga sa kanto ng EDSA at Arnaiz Avenue sa naturang lungsod.
Isang Saint Rose bus na patungong Pacita, Laguna ang biglang huminto upang magsakay ng pasahero.
Sa biglang paghinto nito, hindi naman nakapagpreno agad ang sumusunod na bus na isa ring Saint Rose unit sanhi upang mabangga ang likuran ng unang behikulo.
Ganito rin ang nangyari nang bumangga rin ang mga sumusunod na bus ng Joyselle Bus Line na nabangga rin ng nasa likod na bus ng Cher Transport.
Hawak naman ng mga otoridad ang mga driver at konduktor ng naturang mga bus upang mapanagot sa insidente kung saan mahaharap ang mga ito sa kasong reckless imprudence re sulting to physical injuries.
Inaalam rin ng mga imbestigador kung nagkakarerahan ang mga ito sa pagkuha ng mga pasahero.
Lumikha naman ang naturang insidente ng napakatinding pagsisikip sa daloy ng trapiko buhat Scourt Borromeo sa Quezon City hanggang Ayala Avenue sa Makati. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending