MANILA, Philippines - Nabugbog ang katawan ng aktres na si Plinky Recto makaraang mabundol ang sinasakyan niyang kotse ng isang dump truck habang tinatahak ang C.P. Garcia St. sa lungsod Quezon kahapon ng hapon.
Ayon kay Police Officer 3 Ricardo Escorpiso, si Recto (Marie Roxanne Recto sa tunay na buhay), 42-anyos, ng 145 Esteban St., Loyola Heights, Quezon City, ay ginagamot ngayon sa St. Luke’s Medical Center.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may C.P. Garcia St. corner UP Bliss sa lungsod pasado ala-1 ng hapon.
Diumano, sakay ng kanyang Nissan pick-up si Recto at tinatahak ang nasabing lugar nang bundulin ito ng isang Isuzu dump truck na minamaneho ng isang Eddie Galang, 31, may-asawa ng Model Community Porac, Pampanga.
Bago nito, sinasabing galing ang dump truck sa C. P. Garcia patungong Katipunan Avenue nang umano’y mawalan ito ng preno at salpukin ang isang Toyota Innova na minamaneho naman ng isang Ronald Mercado Chua.
Sa bilis ng takbo, matapos salpukin ang sasakyan ni Chua, nagtuluy-tuloy ang truck hanggang sa salpukin din nito ang sasakyan ni Recto.
Sa lakas ng impact, ayon kay Escorpiso, nagpaikut-ikot pa ang sasakyan ni Recto saka muling tumama sa kanang bahagi ng dump truck. (Ricky Tulipat)