MANILA, Philippines - Isang 19-anyos na student treasurer ang inireklamo matapos mabigong maipakita ang P400,000 na hawak niyang koleksiyon para sa graduation ng mga estudyante ng Bachelor of Science in Education ng Philippine Normal University sa Ermita, Maynila.
Sinasabi sa ulat kahapon ng pulisya na inireklamo ng qualified theft ang suspek na si Jason Dalde, binata, residente ng 18 Cadena De Amor, EVG, Marikina City dahil sa reklamo ng mga opisyal ng Senior Committee ng PNU.
Sa ulat ni C/Insp Edgardo Carpio. hepe ng Manila Police District-Theft and Robbery Section, inakusahan ang suspek na siya umano ang posibleng ku muha ng nawawalang P400,000 na naganap sa pagitan ng Pebrero 20 hanggang Pebrero 23 sa loob ng BPS Bldg. sa Ground Floor ng PNU sa Ayala St., corner Taft Ave., Manila.
Nabatid na bumuo ng committee ang mga graduating student upang makalikom ng pondo para gastusin umano sa toga, yearbook, graduation ball at iba pang gastusin na umabot ang koleksiyon sa nasabing halaga.
Noong Pebrero 26, nagreport umano ang suspek sa pulisya hinggil sa nakawan umano sa tanggapan na nakasama ang pondong nabanggit subalit walang nakitang palatandaan ng forcible entry ang mga tauhan ng MPD-Theft and Robbery Section.
Ibinutas sa suspek ang hindi rin umano nito pagbibigay ng resibo sa mga nakolektahang estudyante at pag-iwas umano sa mga pagpupulong ng mga ito kung ang pag-uusapan umano ay ang pondo.
Dahil dito, posibleng makalaboso ang nasabing graduating student.