MANILA, Philippines - Isang 50-anyos na ginang ang nasawi makaraang pagtatagain umano ng kanyang katulong sa insidente ng pagnanakaw sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Nakatusok pa ang jungle bolo sa katawan ng biktimang si Maribeth Aguila nang matagpuan na nakahandusay sa kanilang bahay sa #102-A, Dunhill St., Brgy. East Fairview sa lungsod.
Ayon kay PO3 Jaime Jimena, may-hawak ng kaso, pangunahing suspect nila sa kaso ang katulong ng pamilya na nakilala sa alyas na Rose dahil wala na ito sa nasabing bahay matapos matagpuan ang bangkay ng biktima ganap na ala- 1:30 ng hapon.
Lumilitaw na ang biktima ay natagpuan ng kanyang inang si Aling Josephine, makaraang bumalik ito sa bahay matapos na mag-grocery. Ayon kay Aling Josephine, pagdating niya sa kanilang bahay ay tinatawag niya ang dalawa para magpatulong sa bitbit niyang groceries, pero walang sumasagot.
Dahil dito, nagpasya siyang pumasok sa loob kung saan napuna niya na ang kanilang main door ay bukas. Pagpasok ng matanda sa loob ay nakita na lang niya ang anak na nakahandusay at naliligo sa sarili nitong dugo sa loob ng computer room dito.
Agad siyang humingi ng tulong sa barangay na agad namang ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Sinabi ni Jimena, nawawala ang dalawang cellphone at hindi matukoy na halaga ng salapi ng biktima na nagtamo ng tadtad ng tama ng saksak sa kanyang katawan.
Nabatid pa kay Jimena na dalawang araw pa lamang naninilbihan sa pamilya Aguila ang suspect na nagsabing taga- Brgy. Gulay Lopez sa lungsod daw siya.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente.