MANILA, Philippines - Dinukot ng isang 35-anyos na babae kasama ang dalawang kasabwat ang dati niyang ka-live-in na nais nitong paghigantihan, kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.
Pinaghahanap ng pulisya ang suspek na nakilalang si Analiza Suba, tubong Pampanga upang mailigtas ang dinukot niyang dating karelasyon na si Hilario Jose, 36, ng Policarpio Street, Brgy. Ugong, ng nasabing lungsod.
Sa ulat ng pulisya, na pinuntahan si Jose ng dating kinakasama na si Suba sa kanyang tinitirhan. Papasok pa lamang si Jose sa bahay at sinalubong na ito ng palo ng tubo ng isa sa lalaking kasabwat ni Suba sanhi upang mawalan ito ng malay. Dito na pinagtulungang isakay ng tatlo si Jose sa isang naghihintay na puting van at pinasibad sa hindi mabatid na lugar.
Hinihinalang hindi naging maganda ang dating pagsasama ng dalawa at posibleng paghihiganti ang ugat ng isinagawang pagkidnap sa biktima. (Danilo Garcia)