MANILA, Philippines - Isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang nasa kritikal na kondisyon matapos na ambusin ng mga armadong riding in tandem sa mataong lugar sa lungsod Quezon kahapon ng hapon.
Ang biktima na ginagamot ngayon sa V. Luna hospital bunga ng mga tama ng bala sa tagiliran ay kinilalang si Supt. Napoleon Cauyan, umano’y dating miyembro ng Traffic Management group ng PNP.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may Matipuno St., Brgy. Pinyahan sa lungsod, ganap na ala-1:30 ng hapon.
Diumano, sakay ng kanyang Nissan Navarra pick up (NIE-587) ang biktima nang biglang sumulpot ang mga suspect at paulanan ito ng bala.
Ayon sa ilang saksi, tinadtad ng mga suspect ang salamin sa driver’s seat kung saan nakaupo ang biktima. Sa kabila ng sugat na natamo ay nagawa pa nitong maitakbo ng ilang metro ang sasakyan hanggang sa bumalandra ito sa Magalang St.
Matapos nito, nagawa pang bumaba ng sasakyan si Cauyan, pero dahil sa mga tama ng bala na natamo ay bumulagta na rin ito sa kalsada, habang ang mga suspect naman ay mabilis na nagsipagtakas.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.