MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi maaaring nasa kostudiya nila si Jason Aguilar Ivler hanggang sa matapos ang pagdinig ng murder case na kaniyang kinakaharap.
Sinabi kahapon ni Atty. Angelito Magno, hepe ng Special Action Unit (SAU) ng NBI, na hindi naman sa umiiwas sila sa pagbabantay kay Ivler kundi nagiging dahilan umano sa pagkaantala ng iba pang trabaho ng ahensiya ang pagtatalaga ng tauhang magbabantay dito.
“It is more practical if he is at the NBI jail rather than staying at the hospital for next months because of our manpower. Since January 18, there are NBI operatives who are deployed on shift to the hospital to guard him 24 hours round the clock. Of course it is our duty to secure him but it will be better if he is here at the jail for practical reason. We have also other cases that need to be attended,” ani Magno.
Gayunman, kahit hini hiling na ng prosecution sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) sa pamamagitan ng omnibus motion na madetine sa NBI detention facility si Ivler, nangangahulugan lamang umano ito na nasa piitan siya ng NBI at hindi na kailangang bantayan pa sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) habang nagpapagaling ng sugat.
Sakaling gumaling na ang sugat ni Ivler ay hihilingin nila sa korte na mailipat na si Ivler sa Quezon City Jail.
Sa opinion ni Dr. Enrico Ragaza, chairman ng surgery department ng National Kidney and Transplant Institute, maaari nang lumabas ng ospital si Ivler sa status ng sugat nito mula sa operasyon.
Kinontra ng nasabing pahayag ang pagnanais ni Marilyn Aguilar, ina ni Ivler, na hindi pa maaring makalabas ng ospital ang anak at hihingi sila ng second opinion sa ibang doktor dahil ayaw pa umano ni Aguilar na maisara na ang sugat ni Ivler sa isa pang surgery, sa kabila ng inirekomenda ng mga doctor sa QMMC. (Ludy Bermudo)