MANILA, Philippines - Aminado ang National Bureau of Investigation (NBI) na umiiral sa bansa ang narco-politics subalit mahirap umanong maituro kung sinu-sino ang mga pulitiko ang sangkot sa operasyon nito o tumatanggap lamang ng drug money.
Sinabi ni Atty. Roel Bolivar, hepe ng NBI Reaction, Arrest and Interdiction Division (RAID,na nakatatanggap sila ng mga impormasyon mula sa kanilang ‘assets’ na nagtuturo sa ilang personalidad na tumatanggap ng drug money, subalit mahirap umanong patunayan kung sino ang mga pulitikong sangkot.
Una nang nagpahayag si Bukidnon Representative Teofisto “TG” Guingona III na nakakaalarma na ang ulat ng US State Department na maaring maimpluwensiyahan ng drug money ang kalalabasan ng Mayo 2010 elections sa Pilipinas.
Gayunman, sinabi ni Bolivar na hindi naman tumitigil ang NBI sa pagsasagawa ng monitoring at surveillance sa pinaghihinalaang drug lords at drug pushers, maging mga users lamang kahit hindi panahon ng eleksiyon.
Aniya, ang NBI ay walang listahan ng mga pangalan ng mga pulitiko o opisyal ng gobyerno na sangkot sa iligal na droga o tumatanggap ng drug money dahil ang trabaho nila ay case build-up para matukoy kung sino ang dapat na mailagay sa talaan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) . Ang pangalan lamang ng mga grupo o indibidwal na sangkot sa drug trafficking ang kanilang hawak na imino-monitor. (Ludy Bermudo)