Hindi kasi pinayagang mag-birthday leave: Obrero kinatay ang bisor
MANILA, Philippines - Pinaslang ng isang obrero na nasa impluwensya ng alak ang kanyang bisor dahil umano sa hindi nito pagpayag na magbakasyon ang una ng isang araw sa kanyang kaarawan, sa Muntinlupa City.
Hindi na umabot ng buhay sa Medical Center of Muntinlupa sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan ang biktimang si Paul Micael, supply officer at supervisor ng Maynilad at naninirahan sa Pinaglabanan St., San Juan City.
Nakaditine naman ngayon at nahaharap sa kasong murder ang suspek na nakilalang si Donato Diaz, 27, binata, at residente ng Bruger St., Brgy Putatan, Muntinlupa City.
Sa ulat ng Muntinlupa police, dakong alas-11:30 nitong Sabado ng gabi nang maganap ang krimen sa NAIA Road, PNR Site, Putatan.
Nauna rito, nabatid na nagpaalam si Diaz kay Micael na liliban ng isang araw sa trabaho upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan ngunit hindi umano pumayag ang bisor. Napuwersang pumasok sa trabaho si Diaz ngunit nakipag-inuman ito kinagabihan ng Sabado.
Nang malango na sa alak, dito sinugod ng suspek ang bisor sa tinutuluyan nitong bahay kung saan patraydor umanong pinagsasaksak.
Tinangka pang tumakas ng salarin matapos ang isinagawang krimen ngunit agad rin naman itong nasakote ng mga rumespondeng barangay tanod kung saan ipinasa ito sa kustodiya ng pulisya. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending