North extension ng LRT-1 naantala ang operasyon

MANILA, Philippines - Atrasado na ng isang buwan ang target na simula ng komersyal na ope­rasyon ng North Extension ng Light Rail Transit Line 1 na nakatakda sanang mag-umpisa noong Pebrero.

Sa orihinal na datos na nakasaad sa “project updates” sa website ng LRTA, nakasaad dito na sa Pebrero 2010 ang umpisa ng kanilang komersyal na operasyon o pagpapa­sakay sa publiko mula Balintawak hanggang Roosevelt Stations.

Natupad naman ng kontraktor na DMBFR-Joint Venture na ang target na pagsasara ng loop ng mula orihinal na Line-1 sa Monumento, Caloocan hanggang North Avenue. Ngunit kasalukuyan na­mang nasa konstruksyon pa ang mga istasyon kaya hindi pa maumpisahan ang aktuwal na operasyon.

Nitong Pebrero 25, pinangunahan mismo ni Pangulong Gloria Macapa­gal-Arroyo ang inaguras­yon ng loop at sumakay sa test drive ng tren.

Samantala, nagbawas naman ng oras ng ope­ras­yon ang LRT 1 mula Monu­mento hanggang Baclaran upang mas mapangala­gaan umano ang kanilang mga tren para tumagal pa ang serbisyo ng mga ito.

Ayon kay Kristina Cas­sion, officer-in-charge ng Public Relations Division ng LRTA, nagsimula na nilang itakda sa alas-10 ng gabi ang huling biyahe ng train mula Monumento patungong Baclaran mula Lunes hanggang Biyernes habang alas-9:30 naman ang huling biyahe mula Baclaran patungong Mo­nu­mento.

Sa araw naman ng Sabado at Linggo at mga piyesta opisyal, itinakda nila sa alas-9:30 ang huling biyahe ng train mula Monumento patungong Baclaran habang alas-9:00 ng gabi naman mula Bac­laran, patungong Monu­mento. (Danilo Garcia)

Show comments