North extension ng LRT-1 naantala ang operasyon
MANILA, Philippines - Atrasado na ng isang buwan ang target na simula ng komersyal na operasyon ng North Extension ng Light Rail Transit Line 1 na nakatakda sanang mag-umpisa noong Pebrero.
Sa orihinal na datos na nakasaad sa “project updates” sa website ng LRTA, nakasaad dito na sa Pebrero 2010 ang umpisa ng kanilang komersyal na operasyon o pagpapasakay sa publiko mula Balintawak hanggang Roosevelt Stations.
Natupad naman ng kontraktor na DMBFR-Joint Venture na ang target na pagsasara ng loop ng mula orihinal na Line-1 sa Monumento, Caloocan hanggang North Avenue. Ngunit kasalukuyan namang nasa konstruksyon pa ang mga istasyon kaya hindi pa maumpisahan ang aktuwal na operasyon.
Nitong Pebrero 25, pinangunahan mismo ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang inagurasyon ng loop at sumakay sa test drive ng tren.
Samantala, nagbawas naman ng oras ng operasyon ang LRT 1 mula Monumento hanggang Baclaran upang mas mapangalagaan umano ang kanilang mga tren para tumagal pa ang serbisyo ng mga ito.
Ayon kay Kristina Cassion, officer-in-charge ng Public Relations Division ng LRTA, nagsimula na nilang itakda sa alas-10 ng gabi ang huling biyahe ng train mula Monumento patungong Baclaran mula Lunes hanggang Biyernes habang alas-9:30 naman ang huling biyahe mula Baclaran patungong Monumento.
Sa araw naman ng Sabado at Linggo at mga piyesta opisyal, itinakda nila sa alas-9:30 ang huling biyahe ng train mula Monumento patungong Baclaran habang alas-9:00 ng gabi naman mula Baclaran, patungong Monumento. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending