Palengke minomonitor ang mga isdang may jobos
MANILA, Philippines - Inutos ni Jesus Mari Marzan, city administrator ng Manila City Hall, sa mga tauhan ng Veterinary Inspection Board na subaybayan ang mga palengke at mga talipapa laban sa umano’y paggamit ng jobos sa mga isdang tinitinda.
Sinabi ni Marzan na nakakaalarma ang modus operandi ng mga tindera sakaling totoo ang report dahil magdudulot ito ng masamang epekto sa kalusugan ng sinumang consumer na makakain ng isdang may jobos.
Ayon kay Marzan, sabay-sabay ang monitoring na isinasagawa sa may 16 na palengke at 10 talipapa na hawak ng kanyang tanggapan upang matukoy kung sino sa mga stall owners ang gumagamit ng jobos upang magmukhang sariwa ang kanilang panindang isda.
Inirekomenda din ni Marzan sa publiko na iwasan na bumili ng mga isdang tumpok at sa halip ay sa mga suking tindera bumili upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Sakali umanong duda at takot na kumain ng isda, pinayuhan ni Marzan ang publiko na kumain na lamang ng gulay. (Doris Franche)
- Latest
- Trending