MANILA, Philippines - Hinihinalang kinursunada lamang matapos pagbabarilin ng pinaniniwalaang ‘Tondo Death Squad” ang magkakaibigan, na ikinasawi ng isa habang sugatan ang isa pa, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang nasawing biktima na si Rogelio Bulos, 27, cook sa Tender Bobs Restaurant at residente ng Laurel St., Tondo, Maynila na namatay habang ginagamot sa Mary Johnston Hospital dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.
Sugatan at nakaratay pa sa nasabing pagamutan ang kaibigan nitong si Glen Salvador, 27, technician, ng Alpine St., Tondo.
Hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan sa mga suspects na riding in tandem at responsable sa pamamaril na mabilis na tumakas bitbit ang baril na ginamit sa krimen.
Sa ulat ni Det. Jonathan Ruiz ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-4:40 ng madaling-araw ng maganap ang insidente sa panulukan ng Quezon at Coral Sts., Tondo, Maynila.
Nabatid na papauwi umano sina Bulos, Salvador at isa pang kaibigang si Borromeo Gunda, 22, na sakay sa isang motorsiklo nang sundan sila ng riding in tandem na mga suspek.
Tinapatan ang mga biktima ng mga suspects at saka bumunot ng baril ang isa sa mga ito saka pinaputok sa magkakaibigan. Sumemplang umano ang tatlo at sina Bulos at Salvador lamang ang natamaan ng bala habang si Gunda ay nakatalon sa motorsiklo. Mabilis na tumakas ang dalawang suspek kaya mabilis na isinugod ni Gunda ang dalawa sa ospital.
Sa imbestigasyon, walang nakakaaway ang mga biktima at hindi nila kilala isa man sa dalawang suspek.
Posible umanong ang mga suspects ang tinaguriang death squad sa Tondo na basta na lamang nangungursunada at namamaril o nananakit na lamang. (Ludy Bermudo)