MANILA, Philippines - Isang casino financier na itinago sa alyas “Flower” ang hanap ngayon ng Task Force Mayor makaraang matukoy na siyang huling nakausap ni jueteng whistle blower Wilfredo Mayor bago ito tambangan at paslangin ng apat na salarin sa Pasay City.
Sinabi ni TF Mayor head at Pasay City police chief, Sr. Supt. Raul Petrasanta, may mga tauhan na siyang nakikipag-ugnayan kay Flower upang kumbinsihin na maimbitahan at makuhanan ito ng pahayag na tiyak na makakatulong sa isinasagawa nilang imbestigasyon.
Natuklasan din ng Task Force na may P12 milyon piso umanong pagkakautang si Mayor sa isang financier ng Casino Filipino sa Heritage Hotel, bukod pa sa ilang casino na madalas umanong puntahan nito.
Nagtataka naman ngayon ang pulisya na kawalang koordinasyon sa imbestigasyon ng nasugatang bayaw ni Mayor na si Allan Benedict Castro. Tanging ang abogada ni Castro ang humaharap sa mga imbestigador sa tuwing tatangkain ng pulisya na mahingan ito ng kaukulang salaysay upang makapagbigay linaw sa isinasagawang imbestigasyon.
Nakatakda rin namang humingi ng tulong ang task force sa National Telecommunications Commission (NTC) sa posibilidad na ma-retrive ang naging pakikipag-usap ni Mayor sa cellphone nito na inaasahang malaking tulong sa imbestigasyon.
Posible umanong nasa City Star Hotel and Casino rin ang ang mga utak sa krimen at sila ang nagbibigay ng impormasyon sa mga gunmen nang umalis na si Mayor at mga kasama sakay ng kotseng Volvo kaya’t tukoy ng mga suspect kung saan nakaupo ang kanilang target. (Danilo Garcia)