MANILA, Philippines - Napigilan ng mga Immigration Officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tangkang human smuggling patungong Canada ng isang sindikato na ginagamit ang Manila bilang transit point.
Sa ulat kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Marcelino Libanan ni BI airport operations division chief Ferdinand Sampol napigilan ang sinasabing human trafficking operation noong Lunes matapos na maaresto ang courier nito at dalawa niyang biktima sa NAIA.
Sinabi naman ni Libanan na ang pagkakaharang sa mga biktima at pagkakaaresto sa suspek ay resulta ng tamang paraan ng training sa mg BI personnel at sa pamamagitan na rin ng makabagong teknolohiya.
Kinilala naman ni Sampol ang courier ng sindikato na si Joana Lee May Lin, isang Singaporean at ang mga kasama nitong sina Jeremy Lim Chee Siong at Jimmy Ong Lai Heng kapwa Chinese nationals. Ang tatlong pasahero umano ay nasabat sa NAIA terminal 2 bago sila sumakay sa Philippine Airlines patungong Vancouver, Canada noong Marso 1.
Nabatid na gamit nila Lim at Ong ang isang pekeng Singaporean passport palabas ng bansa upang makapagtrabaho sa Canada subalit noong dumating sila sa bansa ay gamit nila ang kanilang orihinal na pasaporte.
Ang tatlong dayuhan ay minanmanan ng mga miyembro ng BI-Monitoring Compliance and Migration Group (MCMG) sa airport matapos nilang pagdudahan si Lee na umaakto ring interpreter ng kanyang mga kasama.
Sa interogasyon kay Lim at Ong, inamin nila na binayaran nila ang mga sindikato ng halagang US$ 20,000 at US$ 30,000 para sa pagproseso ng kanilang biyahe sa Canada.
Nadiskubre din ng BI-anti fraud division na peke ang mga pasaporte ng mga ito. (Gemma Amargo-Garcia)